Tekila Moments

Series of notes to the unknown.

2007/11/29

Kuwento ng Pag(t)anggi

Tags:
@ 06:03 PM (24 months, 3 days ago)

ANG SABI ko sa kanya, gumamit nga kaya ng malaking malaking bote ng atomizer ang diyos para makagawa ng Atomized rain? Atomized rain. Merun nga bang ganung klase? Hmm... Meron. Araw-araw kong pinapanuod yun nitong mga nagdaang araw. Inoobserbahan. Pinapakiramdaman. Pinag-eeksperimentuhan. Ito ang klase ng ulan na masyadong manipis para maging ambon, pero masyadong makapal para maging hamog. Kung  taga-samin ka na pandayan ng salitang Tagalog, "anggi" lang ang tawag namin dun.

Kakatwa palang banggitin ang salitang 'anggi' kung pasulat. Parang hindi totoong salita. Parang gawa-gawa lang. Parang hindi totoong gawa sa tubig. Parang hindi natural. Ang tunay na ulan, pwedeng mahawakan, madaling maramdaman. Sadyang nagpaparamdam. Hindi katulad ng anggi, hindi ko mahawakan sa palad ko. Pero sa katagalang nakalahad ang kamay ko sa hangin habang nakatayo sa ulanan, nararamdaman kong nababasa rin ako. 

Naisip ko tuloy, parang ganun siya. Parang yung anggi. Parang hindi totoo. Parang gawa-gawa ko lang siya sa isip ko. Parang hindi buhay. Parang wala lang siya, pero alam kong nandiyan talaga siya. Nararamdaman ko siya kahit na hindi ko siya mahawakan. Sa katunaya, unti-unti nang nabababad sa lamig ng kawalang-bahala ang pagsinta kong di-mapakali. Pero.. wala lang. Hay, putanginang buhay 'to.