Tekila Moments

Series of notes to the unknown.

2007/11/29

Kuwento ng Pag(t)anggi

Tags:
@ 06:03 PM (24 months, 3 days ago)

ANG SABI ko sa kanya, gumamit nga kaya ng malaking malaking bote ng atomizer ang diyos para makagawa ng Atomized rain? Atomized rain. Merun nga bang ganung klase? Hmm... Meron. Araw-araw kong pinapanuod yun nitong mga nagdaang araw. Inoobserbahan. Pinapakiramdaman. Pinag-eeksperimentuhan. Ito ang klase ng ulan na masyadong manipis para maging ambon, pero masyadong makapal para maging hamog. Kung  taga-samin ka na pandayan ng salitang Tagalog, "anggi" lang ang tawag namin dun.

Kakatwa palang banggitin ang salitang 'anggi' kung pasulat. Parang hindi totoong salita. Parang gawa-gawa lang. Parang hindi totoong gawa sa tubig. Parang hindi natural. Ang tunay na ulan, pwedeng mahawakan, madaling maramdaman. Sadyang nagpaparamdam. Hindi katulad ng anggi, hindi ko mahawakan sa palad ko. Pero sa katagalang nakalahad ang kamay ko sa hangin habang nakatayo sa ulanan, nararamdaman kong nababasa rin ako. 

Naisip ko tuloy, parang ganun siya. Parang yung anggi. Parang hindi totoo. Parang gawa-gawa ko lang siya sa isip ko. Parang hindi buhay. Parang wala lang siya, pero alam kong nandiyan talaga siya. Nararamdaman ko siya kahit na hindi ko siya mahawakan. Sa katunaya, unti-unti nang nabababad sa lamig ng kawalang-bahala ang pagsinta kong di-mapakali. Pero.. wala lang. Hay, putanginang buhay 'to.

2007/11/23

Pagliligpit at Paglulupi ng Kumot

Tags:
@ 08:22 PM (24 months, 9 days ago)

"i found what you are like a rain." ee. cummings

BAKIT BA kapag nagliligpit-ligpit ka, andaming mga kalat na masarap titigan at gawing dahilan ng procrastination? Hindi naman lahat ng kalat ay basura. May dahilan kumbakit ang pira-piraso ng papel, bus tiket, pigtas na bracelet, pagot na beads at isang stick ng sigarilyo ay naiiwan sa isang tabi hanggang sa makalimutan mo na ito. Pero... Sapul ako ng tinuran ng isang kakilalang napikon sa kakulitan ko dati. "Let bygones be bygones." Ganun naman ang ginagawa ko ngayon. Unti-unti, nakakawala na ako sa eksena kasama siya.

Hindi ko dapat sinusulat ito dito dahil hindi ko alam kung sino sa mga hardcore kong tropa ang pwedeng makabasa nito. Sira na naman ang role portrayal ko. Hindi ko dapat sinasabi ito dito dahil baka mabasa mo ito bago ko pa ito masabi sayo sa totoong buhay. Pero kahit yata masabi ko ito ng harap-harapan, balewala lang. Ewan ko sayo. Alam kong andun na ako sa eksenang hulog na ako sa bangin, at walang siguradong superhero na lilipad at sasagip sa akin. Pero... anong magagawa ko? Nandito na nga ako kahit iniwasan kong tumakbo at sundan ang kadulu-duluhan ng kuryosidad ko sa iyo.

Gusto ko lang malaman mo na nagpapasalamat ako sa Diyos dahil dumating ka sa buhay ko kahit medyo parang Takeshi pa rin ang challenge ng friendship natin. Dahil sayo, kahit mahirap pala kaya kong maging malakas. Salamat sa pagtulong mo na mabalik ko ang tiwala kong kaya ko pa palang maging masaya.

"May dalawang klase ng tao sa mundo.  Isang gago at isang tanga.  Gago ka kapag nagmahal ka ng taong hindi ka naman mahal.  Tanga ka kung hindi mo makita ang taong nagmamahal sa iyo.  Alam kong gago ako, sana huwag kang maging tanga." ~hindi ako gago, mulciber

Ang hiling ko lang naman, sana hindi na lang Temporary High ang ibigay sa'kin. Sana yung totoo na. Kung pwede nga lang, ikaw na yun.

2007/11/20

Kape at Kubeta

Tags:
@ 12:35 PM (24 months, 12 days ago)

NAGKITA KAMI ni besbud sa invisible Starbs. Invisible Starbs ang tawag ko sa kanya dahil parang hindi siya nag-eexist. Karaniwang konti ang tao, minsan wala pa. Kaya sa lahat ng Starbs outlet within my perimeter, siya ang pinakapaborito kong puntahan lalo kung gusto kong makipagmiting sa sarili ko tungkol sa mga pinu-project naming plano sa buhay. so mabalik kay buds, yun na nga nagkita kami sa Starbs. Nirekwes niyang magkita kami dahil merun daw siyang napasukang gusot na hindi niya malusut-lusutan. Kuwentong kapusuan ito. Depress daw siya kaya bigyan ko naman daw siya ng reaction. Nakngpatis. Ako pa tinanong eh santambak na question mark rin ang impok ko sa brain bank ko basta ganyang usapan. Pero kineri ko na lang. Nakinig na lang ako ng nakinig hanggang sa napansin ko na lang na nangingilid ang luha ni buds. Tumikhim siya para matanggal ang bara sa lalamunan na akala mo kumakain kami. Ginawa kong busy ang sarili ko sa kape ko. Masarap humigop ng kape kung wala ka nang masabi (mas mabuti na ring tumahimik kesa magmaganda kung hindi ko naman alam ang sinasabi ko). Para bang kapag hinigop mo na ang kape, nalulon mo na rin ang problema at solusyon ang init ng matapang na espresso para magising ka sa pagmumukmok.

Hindi ko na matandaan kung ano yung pinagsasabi ko sa kanya. Enough lang na naalala kong closure ang hinahanap niya sa isang tao. Naisip ko tuloy, hmm... ano ito, deja vu? Kelan lang may isang bata sa harap ko na naghahanap ng closure, samantalang sa banda ko naman eh naghahanap ako ng pintong pwedeng buksan. Hehehe... Ang labo, diba? Pero pwedeng mag-exist yan kagaya ng CR namin na may dalawang pinto: Isang entrance door at isang fire exit. Sa kaso ko, malamang pareho kaming taeng-tae pero hindi sa parehong instance. Habang papasok ako, papalabas siya in such a way na hindi ko naramdaman na umalis siya dahil sa exit door at in such a way na dumating ako dahil sa entrance door.

Hmmm.... Bat ba napunta na naman sa kubeta ang analogy ko? Heniweys, isa lang ang moral lesson ng usapan namin ni besbuds: Wag iinom ng kape kasama ng kaibigang may problema dahil hindi ka makakatulog pagkatapos. Mag-beer na lang kayo next time.

2007/11/15

Hoist! Naririnig mo ba ako?

Tags:
@ 06:18 PM (24 months, 17 days ago)

miss na  kita ah. saang parte ng guniguni ka ba nakatambay? patabi naman. kuwentuhan tayo, may dala akong redhorse at peach mango pie.

Hay nakoh. Ang hirap ng ganito ha.

2007/11/13

Blah-blah-blah, sabi ng utak ko.

Tags:
@ 06:40 PM (24 months, 19 days ago)
AKO NA siguro ang pinakatahimik na taong may pinakamadaldal na isip. Kaya siguro gustung-gusto ng mga hitad na katulad ni Anak-araw na nalalasing ako dahil ang yaman ko raw sa karakter. Kung minsan, kelangan pa nila ng subtitle para magkaintindihan kami. Hah. Kulang ang alak para mabuksan ang third eye ko sa damdamin.