No Strings, Pare
Sinabi ko sa kanyang ayokong ikasal. Pero hindi ko rin ma-imagine na ikasal tayo.
Yun lang.
Sinabi ko sa kanyang ayokong ikasal. Pero hindi ko rin ma-imagine na ikasal tayo.
Yun lang.
KUNG SAKALING mangyari na mahalin na talaga kita sa mga susunod na araw, mauulit ang mga dating eksena na binalot ng lungkot.
Una, hindi ko maamin ang totoong pagpapahalaga ko sayo. Pangalawa, tatanggalan ko ng karapatan ang sarili ko na maging malaya. Pangatlo, pababayaan kitang makakita ng ibang pwedeng pumuno sa mga hindi ko kayang ibigay. Dahil kung masokista kan, ako na ang ninuno mo.
Sana lang, wag mo akong kalimutan o hayaan mo lang akong mabigyan ng konting puwang. Kahit diyan lang sa fifth chakra mo.
MASARAP DIN palang isipin na kaya ko pa rin palang magpasaya ng ibang tao. Pati na rin ang makisaya. Simula kasi nang mawala ka, hindi ko na alam kung paano sumaya. Ikaw at sa iyo lang umikot ang konsepto ko ng saya. Wala nang ibang depinisyon pa, kahit na ba sabihin pa natin na ikaw ang klase ng katuwaang hindi ko naman talaga maisasakatuparan. At nawala ka pa. Dito na lalong dumilim ang katwiran ko na pwede pa ngang magkaroon ng totoong tuwa.
Sa pagdating naman niya ngayon, isang panibagong depinisyon ang dala niya. Depinisyong buo, depinito at sinsero. Iniisip ko pa nga lang siya, napapangiti na ako, ano pa kaya kung kausap ko na talaga? Pero sa kanya rin ang tuwa na dapat kong ikatakot. Siya kasi ang tinatawag na TEMPORARY HIGH.
Lagi ko siyang iniisip, dahil ito na lang ang pinakamadali sa lahat ng pwede kong gawin. Yung posibleng mangyari sa susunod, mahirap na lahat.
ITO AT ang mga susunod pang mga sulatin ay rekoleksyon na lang sa mga nagdaang araw. Mahaba-habang hiatus din ang napagdaanan ko sa pagsusulat. At naisipan ko lang na buhayin ulit ang matinding pagnanasa kong makalikha ng mga obrang magpapaimortal sa mga konseptong hindi malayong makakonekta ang ibang tao.
Gusto ko nang sundin si Siege ngayon, na gamitin ang pagkakataon para hugisan ang mga pangyayaring hindi basta-basta maikakahon. Kahit totoong wala pa rin ako sa modang magsulat pero nararamdaman kong may pwersa nang nagbabalik ng inspirasyon ko sa pagsusulat.
Hanggang ngayon naman talaga, nasasaktan pa rin ako sa pagkawala mo. Pero natatanggap ko na rin kahit papaano. Siguro, hanggang doon na lang talaga. Siguro nga, minahal mo rin talaga ako dati pero hindi ito sapat para mabawasan ang salik na humarang sa pagitan nating dalawa.
Nung isang araw, naisipan kong buksan ang mga sulat mo. 2003 pa ang petsa ng mga liham na pinagtiyagaang isulat sa isang pilas ng kuwaderno, hininging memo pad, kapirasong intermediate pad, sobrang papel ng libro at puting papel na nagsisimula na ring manilaw at kapitan ng gapok. Apat na taon na rin pala simula nang magkita tayo sa mata, pero parang kailan lang sinusundan pa kita ng tingin habang paalis ka sakay pauwi sa inyo. Noon, ni hindi ko makuhang damputin ang kahong pinagtaguan ko ng mga liham mo. Ni hindi makuhang maalala na meron ka pa palang naiwang alala sa'kin. Ngayon, nasa harap ko na ulit ang mga nakakatuwang palitan natin ng kuro-kuro. Sinuri ko ang sulat-kamay mo. Ganito ka pa rin kaya kaliit sumulat? May mga sulatin ka na mapapagkasya mo sa isang piraso ng post-it notes. Alam ko yun. Dahil ang unang sulat mo sakin ay itinago ko sa loob ng pitakang naiwala ko rin malaunan (sa holdapan). Binasa ko at inintindi ang mga sulat mo. At... siyet. Nakakahuma na yata ako sa pagkakatunganga ko. Kumpara dati na iniiyakan ko ang bawat pangungusap, parirala, salita, ponemang galing sa'yo, ngayon, iba na ang dating mga sulat mo sa'kin. Nababaduyan na ako. Hahahaha!