Pagtatapon ng Papel sa Buhay
"Sa buhay ay hindi ka pwedeng magtapon ng papel"
Talaga lang ha. Pero nasaan na ba ako sa listahan ng mga prayoridad mo sa buhay? Yun ay kung nasa listahan mo pa ako. Usapang kangkungan ng kasaysayan na nga ito dahil matapos ang mabigat-bigat nating diskusyon sa harap ng mga espiritu ng alak, imposible na ngang magbalik pa tayo sa dati. Tapos noon, nasapak pa kita sa sobrang sakit ng nagawa mo. Yun nga yung eksenang ayokong maalala. Nanakit kasi ako.
Naaalala kong sinulat mo yung quote sa itaas nung nagsimula nang magkalamat ang nasimulan natin. Nuon pa lang, alam ko nang hindi ako mahal ng kaibigan mong si Mark. Pero natutuwa na rin ako dahil hindi ka naman niya iniwan kahit anong mangyari. Siya ang naging pader mo sa panahong ako dapat ang kasama mo. Isa pa, kapangalan niya ang ultimate crush ko sa totoong buhay.
Naaalala ko ring sinulat mo yan pagkatapos ng huling pambubuwisit mo sa akin. Hindi mo alam, pero nakuha ko yan sa website mo dahil nabisita ko pa dati yung lumang website mo bago ko napagdesisyunang ayoko nang malaman ang kahit anong tungkol sayo. Itinapon ko ang notebook ko nang dahil sa pagkainis ko sa'yo. Nung tinapon ko ang red dandy notebook ko, hindi ko sinasadyang makita mo yun. Wala rin akong pakialam kung pinulot mo yun o sinipa pa para lalong mapunta sa ilalim ng upuan. Espesyal ang red dandy notebook ko, kasi ikaw ang laman nun. Pero hindi ko maintindihan ang gusto mong mangyari kaya sa sobrang pagkairita ko, binitiwan ko ang notebook ko at bumaba ako ng PUJ.
Sa buhay mo ay hindi ka pwedeng magtapon ng papel. Hindi ko naman talaga itinapon ang papel mo sa buhay ko. Hindi kita itinapon kahit kailan. Kahit pa nalukot nang husto ang papel ko sayo. Sa kabilang banda, ako ang papel na palaging naghihintay na punuan mo ng kuwento, angas, hinampo, pagkatuwa, pagmamalasakit, galit, pagmamahal. Pero.. ewan ko ba kung bakit nagkaganito tayo. Hindi ko alam kung bakit pagdating sa'yo, palagi akong sablay. Hindi ko alam kumbakit palaging palpak ang mga diskarte ko basta ikaw na ang pumapel. Hindi ko alam kung bakit ang hina ko sa'yo, kahit sobrang angas ko at makapal ang mukha pero pagdating sayo, wala akong magawa kungdi magbigay.
Siguro kasi, mahal kita talaga. Mahal pa rin kita hanggang ngayon. Mahal kita kahit nagmamahal ka na ng iba, at may gumaganap na ng papel na matagal kong pinangarap papelan sa buhay mo. Mamahalin pa rin kita kahit magmahal ako ng iba. Dahil ganun naman ang Human Behavior. Patuloy lang ang simula.