Tekila Moments

Series of notes to the unknown.

2007/9/25

No Strings, Pare

Tags:
@ 07:00 PM (26 months, 8 days ago)

Sinabi ko sa kanyang ayokong ikasal. Pero hindi ko rin ma-imagine na ikasal tayo.

Yun lang.

Future Plans, 30 August 2007

@ 06:54 PM (26 months, 8 days ago)

KUNG SAKALING mangyari na mahalin na talaga kita sa mga susunod na araw, mauulit ang mga dating eksena na binalot ng lungkot.

Una, hindi ko maamin ang totoong pagpapahalaga ko sayo. Pangalawa, tatanggalan ko ng karapatan ang sarili ko na maging malaya. Pangatlo, pababayaan kitang makakita ng ibang pwedeng pumuno sa mga hindi ko kayang ibigay. Dahil kung masokista kan, ako na ang ninuno mo.

Sana lang, wag mo akong kalimutan o hayaan mo lang akong mabigyan ng konting puwang. Kahit diyan lang sa fifth chakra mo.

Misteryo ng Tuwa, 29 Agosto 2007

Tags:
@ 06:47 PM (26 months, 8 days ago)

MASARAP DIN palang isipin na kaya ko pa rin palang magpasaya ng ibang tao. Pati na rin ang makisaya. Simula kasi nang mawala ka, hindi ko na alam kung paano sumaya. Ikaw at sa iyo lang umikot ang konsepto ko ng saya. Wala nang ibang depinisyon pa, kahit na ba sabihin pa natin na ikaw ang klase ng katuwaang hindi ko naman talaga maisasakatuparan. At nawala ka pa. Dito na lalong dumilim ang katwiran ko na pwede pa ngang magkaroon ng totoong tuwa.

Sa pagdating naman niya ngayon, isang panibagong depinisyon ang dala niya. Depinisyong buo, depinito at sinsero. Iniisip ko pa nga lang siya, napapangiti na ako, ano pa kaya kung kausap ko na talaga? Pero sa kanya rin ang tuwa na dapat kong ikatakot. Siya kasi ang tinatawag na TEMPORARY HIGH.

Lagi ko siyang iniisip, dahil ito na lang ang pinakamadali sa lahat ng pwede kong gawin. Yung posibleng mangyari sa susunod, mahirap na lahat.

Shoe Box Revisited, 6 September 2007

Tags:
@ 04:46 PM (26 months, 8 days ago)

ITO AT ang mga susunod pang mga sulatin ay rekoleksyon na lang sa mga nagdaang araw. Mahaba-habang hiatus din ang napagdaanan ko sa pagsusulat. At naisipan ko lang na buhayin ulit ang matinding pagnanasa kong makalikha ng mga obrang magpapaimortal sa mga konseptong hindi malayong makakonekta ang ibang tao.

Gusto ko nang sundin si Siege ngayon, na gamitin ang pagkakataon para hugisan ang mga pangyayaring hindi basta-basta maikakahon. Kahit totoong wala pa rin ako sa modang magsulat pero nararamdaman kong may pwersa nang nagbabalik ng inspirasyon ko sa pagsusulat.

Hanggang ngayon naman talaga, nasasaktan pa rin ako sa pagkawala mo. Pero natatanggap ko na rin kahit papaano. Siguro, hanggang doon na lang talaga. Siguro nga, minahal mo rin talaga ako dati pero hindi ito sapat para mabawasan ang salik na humarang sa pagitan nating dalawa.

Nung isang araw, naisipan kong buksan ang mga sulat mo. 2003 pa ang petsa ng mga liham na pinagtiyagaang isulat sa isang pilas ng kuwaderno, hininging memo pad, kapirasong intermediate pad, sobrang papel ng libro at puting papel na nagsisimula na ring manilaw at kapitan ng gapok. Apat na taon na rin pala simula nang magkita tayo sa mata, pero parang kailan lang sinusundan pa kita ng tingin habang paalis ka sakay pauwi sa inyo. Noon, ni hindi ko makuhang damputin ang kahong pinagtaguan ko ng mga liham mo. Ni hindi makuhang maalala na meron ka pa palang naiwang alala sa'kin. Ngayon, nasa harap ko na ulit ang mga nakakatuwang palitan natin ng kuro-kuro. Sinuri ko ang sulat-kamay mo. Ganito ka pa rin kaya kaliit sumulat? May mga sulatin ka na mapapagkasya mo sa isang piraso ng post-it notes. Alam ko yun. Dahil ang unang sulat mo sakin ay itinago ko sa loob ng pitakang naiwala ko rin malaunan (sa holdapan). Binasa ko at inintindi ang mga sulat mo. At... siyet. Nakakahuma na yata ako sa pagkakatunganga ko. Kumpara dati na iniiyakan ko ang bawat pangungusap, parirala, salita, ponemang galing sa'yo, ngayon, iba na ang dating mga sulat mo sa'kin. Nababaduyan na ako. Hahahaha!

2007/9/16

Pagtatapon ng Papel sa Buhay

Tags:
@ 12:36 PM (26 months, 17 days ago)

"Sa buhay ay hindi ka pwedeng magtapon ng papel"

Talaga lang ha. Pero nasaan na ba ako sa listahan ng mga prayoridad mo sa buhay? Yun ay kung nasa listahan mo pa ako. Usapang kangkungan ng kasaysayan na nga ito dahil matapos ang mabigat-bigat nating diskusyon sa harap ng mga espiritu ng alak, imposible na ngang magbalik pa tayo sa dati. Tapos noon, nasapak pa kita sa sobrang sakit ng nagawa mo.  Yun nga yung eksenang ayokong maalala. Nanakit kasi ako.

Naaalala kong sinulat mo yung quote sa itaas nung nagsimula nang magkalamat ang nasimulan natin. Nuon pa lang, alam ko nang hindi ako mahal ng kaibigan mong si Mark. Pero natutuwa na rin ako dahil hindi ka naman niya iniwan kahit anong mangyari. Siya ang naging pader mo sa panahong ako dapat ang kasama mo. Isa pa, kapangalan niya ang ultimate crush ko sa totoong buhay.

Naaalala ko ring sinulat mo yan pagkatapos ng huling pambubuwisit mo sa akin. Hindi mo alam, pero nakuha ko yan sa website mo dahil nabisita ko pa dati yung lumang website mo bago ko napagdesisyunang ayoko nang malaman ang kahit anong tungkol sayo. Itinapon ko ang notebook ko nang dahil sa pagkainis ko sa'yo. Nung tinapon ko ang red dandy notebook ko, hindi ko sinasadyang makita mo yun. Wala rin akong pakialam kung pinulot mo yun o sinipa pa para lalong mapunta sa ilalim ng upuan. Espesyal ang red dandy notebook ko, kasi ikaw ang laman nun. Pero hindi ko maintindihan ang gusto mong mangyari kaya sa sobrang pagkairita ko, binitiwan ko ang notebook ko at bumaba ako ng PUJ.

Sa buhay mo ay hindi ka pwedeng magtapon ng papel. Hindi ko naman talaga itinapon ang papel mo sa buhay ko. Hindi kita itinapon kahit kailan. Kahit pa nalukot nang husto ang papel  ko sayo. Sa kabilang banda, ako ang papel na palaging naghihintay na punuan mo ng kuwento, angas, hinampo, pagkatuwa, pagmamalasakit, galit, pagmamahal. Pero.. ewan ko ba kung bakit nagkaganito tayo. Hindi ko alam kung bakit pagdating sa'yo, palagi akong sablay. Hindi ko alam kumbakit palaging palpak ang mga diskarte ko basta ikaw na ang pumapel. Hindi ko alam kung bakit ang hina ko sa'yo, kahit sobrang angas ko at makapal ang mukha pero pagdating sayo, wala akong magawa kungdi magbigay.

Siguro kasi, mahal kita talaga. Mahal pa rin kita hanggang ngayon. Mahal kita kahit nagmamahal ka na ng iba, at may gumaganap na ng papel na matagal kong pinangarap papelan sa buhay mo. Mamahalin pa rin kita kahit magmahal ako ng iba. Dahil ganun naman ang Human Behavior. Patuloy lang ang simula.

2007/9/13

Splukadidang

Tags:
@ 07:50 PM (26 months, 20 days ago)

NGAYON ko lang napag-isip-isip na nakakahiya yung ginawa ko. Naging all out na naman ako sa pagsasabing kras ko siya. Hindi man lang ako nagdalawang-isip. Kasi naman, halatang-obvious na eh. Wala na akong maitatago pa. Siguro naman alam na niya yun nuon pa dahil hindi naman siya tanga o tulog sa pansitan. Saka, ganun naman talaga ako, kapag gusto ko ang tao ora-orada sinasabi kong okey siya sa'kin. Kay Martin Luther lang naman ako nasira, for some reasons hindi ko alam kung bakit hindi ko nagawang manyakin si Tom Welling look-alike. hehehehe... Siguro kasi, kahit matigas ang dila niya (dahil taga-Timog na parti siya ng Pelipinas), napakadisente kasi nyang kausap.

So yun nga, alam na niya. Sa kabila ng maraming kasinungalingang naimbento ko para lang maiwasan kong magkalapit ang loob namin, wala namang nangyari. Lalo ko lang siyang ginustong makilala, at gusto ko na ang ugali niya. Kahit sobrang baduy niya, mabait naman siya at malawak mag-isip. Hindi ko katulad, napakaraming reservation sa katawan.

Nasabi ko nga sa kanyang gusto ko siyang ngumiti. Ay, nakakahiya yung sinabi ko! Baka kung ano na ang inisip niya. Eh anong magagawa ko, sa gusto ko nga siyang ngumiti? Pero hindi ko naman balak sirain ang buhay niya o anupaman dahil lang sa ngiti. Basta ganun lang. Sa tingin ko naman, hindi niya na pag-iisipan yun ng masama dahil kung ayaw niya sa akin, o hindi ako masyadong importante para pag-aksayahan ng panahon, hindi ko sana siya nakausap pa.

Doon kita naalala bigla. Ikaw kasi ang taong pinakamahirap pangitiin. Kaya dati, naging misyon ko sa buhay na pasayahin ka. Kaso lang, iba ka namang mag-isip. Advance. Kaya kahit anong gawin ko, hindi mo makuhang sumaya dahil iniisip mo agad yung pwedeng mangyari sa susunod na apat na buwan. Hay... kahit ganyan ka, naku... wala lang.

Pero nahihiya pa rin ako! Paano kung tinatawanan pala niya ako? Paano kung ako pala ang ignorante sa eksena? Paano kung hindi siya totoo? Paano kung hindi talaga siya mabait? Hay.. wag namang ganun.